Sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng langis noong nakaraang buwan ng Marso, bunsod ng pagtaas sa presyo ng krudong langis sa pandaigdigang merkado na dulot naman ng kaguluhan sa Gitnang Silangan at Hilagang Africa (ikatlo ng kabuuang pandaigdigang suplay ng krudong langis ay nanggagaling sa mga bansa sa rehiyong ito). Tinugunan ito ng mga militanteng grupo ng protesta at tigil-pasada, kasabay ang panawagan ng provisional increase ng pamasahe sa mga pampasaherong dyip.
Kaugnay nito, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang .50 sentimos provisional increase sa pamasahe sa mga pampasaherong dyip. Matatandaang nagdulot ng kalituhan sa ilang mga pasahero at tsuper noong unang araw ng pagpapatupad ng pagtaas nito, dahil na rin sa kakulangan ng kaukulang pagbibigay-impormasyon sa mga pasahero. Sa kasalukuyan, dinidinig ng LTFRB ang petisyon ng mga grupo ng jeepney operators at mga tsuper, kabilang ang FEJODAP, ACTO, Piston at Pasang Masda, na maging sampung piso na ang minimum fare sa mga dyip.
Kung susuriin, napapanahon lamang ang pagtaas ng pamasahe upang punuan ang kabawasan sa kita ng mga tsuper dulot ng tumataas na presyo ng gasolina. Gayunman, dagdag-pasanin ito para sa mga kababayan nating mga commuter. Sa mas malalim na pagtatasa sa mga nangyayari, maiiwasan sana ang ganitong suliranin kung may matibay na aksyon ang pamahalaan upang mapigilan ang paglobo ng presyo ng langis. Gayunman, sa kasawiang-palad, kapansin-pansin ang kawalang-aksyon ng administrasyong Aquino upang mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang suliranin bunsod ng mga pagtaas na ito. Maaaring nariyan ang Pantawid Pasada program upang magbigay ng tulong sa mga tsuper na kayanin ang nagmamahal na presyo ng gasolina, ngunit hindi ito sapat sa tiyak na pag-unlad ng mga kababayan nating tsuper. Kinakailangan ng isang pangmatagalang solusyon at matino at konkretong plano para tuluyan nang maiwasan ang suliraning ito. Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, walang magagawa ang pamahalaan upang pakialaman ang presyo ng langis kundi ang matiyak na ang pagtaas sa presyo, halimbawa, ay hindi labis.
Layunin sana ng deregulasyon ang mas epektibong pamamahala sa merkado sa pamamagitan ng kompetisyon at iba pang mekanismo. Ngunit sa pagpapatupad nito, nagmistulang oligopoliya ang negosyo ng langis sa bansa, kung saan ang presyo ay itinatalaga sa kolektibong pagpapasya ng tatlong pinakamalalaking kompanya ng langis sa bansa, ang Shell, Caltex at Chevron. Sa ganitong sistema, pinagkakaisahan ng tatlong kompanyang ito ang uring-mamimili. Patuloy silang nagkakamkam ng malalaking kita samantala maraming tsuper at mga pasahero ang namomroblema sa pagtaas ng presyo ng langis. Walang nakikitang mali ang aming organisasyon sa mga layunin ng deregulasyon ngunit kinikilala namin ang mga mali sa pagsasapraktika nito.
Kaya tumitindig ang UP POLITICA na panahon na upang repasuhin ang Oil Deregulation Law upang maiwasan ang pagsasabwatan ng mga kompanya ng langis upang pahirapan lamang ang mga mamamayan. Panahon na upang ituon ng pamahalaan, ng administrasyong Aquino, ang tunguhin nito na pagsilbihan ang mamamayang Pilipino, at hindi ang mga kompanya ng langis. Ani pa nga ni Pangulong Aquino mismo, TAYO, ang mamamayang Pilipino, ang boss niya, hindi ang kung sino lang iba.
No comments:
Post a Comment